Pizza Ever Day
Linggo, Abril 28, 2013
Ang hirap...
Ang hirap magkimkim ng isang bagay na gusto mong ikuwento sa iba. Hanggang pa-gilid-gilid nalang ang banggit mo, mga daplis sa hangin. Paano ba naman kasi, ang bagay na gusto mong ikuwento sa kanila eh ibang-iba sa pagkakakilala nila sa iyo... Ang hirap kapag nabuhay ka sa kasinungalingan. Pero ano bang magagawa mo? Hindi naman nanaisin ng karamihan na malaman kung anong tunay na ikaw. Mas mabuti pang magpanggap o magsinungaling para naman hindi sila madisappoint. Pero sino ba ang talo sa huli? Sila ba? Hindi, ikaw. Hindi ko alam, pero pakiramdam ko kahit papaano eh nababatid nila kung ano ba ang katotohanan. Hindi naman ako ganun kagaling magsinungaling, at palagay ko naman hindi din sila ganung katanga para habangbuhay malinlang. Pero kahit alam nila, hindi nila pinapansin. Sa palagay ko lang naman. Masyado kasing taliwas sa pagkakakilala nila sa akin kumbaga. Pero kahit ganun, paminsan-minsan pa rin eh sumasagi sa isip nila, hindi lang nila binabanggit... Minsan napapagod din ako sa pagpapanggap. Dahil nga dun, hindi ko na sigurado kung sino ba talaga ang tunay na ako. Kaya minsan, gusto kong ipagsigawan na huwad ang pagkakakilala nila sa akin. Pero bago ko magawa, pinangungunahan ako ng takot. Takot na kapag nagising sila sa kasinungalingang binuo ko ay pandirihan nila ako na para isang taong may nakakahawang sakit. Hindi ko naman sila nilalahat. Alam ko na may mangilan-ngilan na kahit papaano ay maiintindihan ako. Mabuti sana kung lahat sila ganun, kaso hindi. Sa mundong ginagalawan ko, malaki pa rin ang discriminasyon sa mga "hindi normal" nilang maituturing. Nakakalungkot mang isipin, ngunit yun ang masakit na katotohanan. Kaya masisi niyo ba ako kung kayo mismo ang nagtulak sa akin? Sana ganun nalang kadali sabihin ang mga bagay-bagay, sana wala silang pakeelam kung ano nga ba ang alin. Kaso, hindi eh. Mahirap man, pero un ang totoo. Kaya ikaw, kahit na may mga bagay kang gustong-gusto, napipilitan kang iwanan, kasi para sa iba "hindi tama".
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento